Manila, Philippines – Binigyang diin ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na ang Independent Foreign Policy ni Pangulong Rodrigo Duterte ay makipagkaibigan sa lahat ng mga bansa na magiging maganda ang epekto sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pagkadismaya ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa mga naging hakbang ng Pamahalaan para harapin ang territorial dispute sa pagitan ng Pilipina at ng China kung saan sinabi nito na walang pinatutunguhan ang Foreign Policy ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Panelo, pangunahing konsiderasyon ni Pangulong Duterte sa pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa ibang bansa ay ang national interest hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon na gumagaya lamang sa Estados Unidos.
Binigyang diin ni Panelo na ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa territorial dispute ay igigiit din ni Pangulong Duterte sa tamang panahon pero ngayon aniya ay ang national interest ay ang magandang trade at cultural relations sa China.
Wala din aniyang utang na loob ang Pilipinas sa China at ang mga soft loans na ibinigay ng China sa bansa ay babayaran din ng gobyerno.