Monday, February 23, 2026

Interest-free loan para sa mga OFWs, itinutulak ng isang senador

Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang pagpapautang ng walang interes sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa pagaasikaso ng kanilang mga pre-departure documents.

Sa Senate Bill 1696 o ang “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act” na inihain ni Tulfo, ang mga OFWs na may valid contract ay maaaring makahiram ng hanggang P100,000.

Prayoridad sa panukala ang mga “first-time” OFW na sasailalim din sa libreng financial literacy seminar bago lumipad pa-ibang bansa.

Tinukoy ni Tulfo na maraming mga OFW ang dumudulog at humihingi ng tulong sa kanilang tanggapan para makahanap ng pambayad sa mga requirements at kadalasan ay kumakapit na lamang sila sa mga loan sharks para makapagbyad sa kanilang pre-departure fees.

Kasama naman sa mga babayaran ng nasabing loan ang placement fees, medical exam, training, passport, visa, airfare at iba pang bayarin.

Oras na maisabatas, walang interes ang loan sa loob ng unang taon na pagbabayad at para masiguradong mababayaran kailangang maging “co-borrower” kahit isa sa kapamilya ng OFW.

Ang mga baguhan o first-timer na OFWs ay pwedeng bayaran ang utang sa loob ng 18 buwan at maaaring mailagay sa priority access ng loan program at mabibigyan din sila ng free financial literacy training.

Facebook Comments