Interest rate ng mga pawnshops, hiniling na babaan ngayong may pandemya

Hinihikayat ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na atasan ang mga pawnshops na babaan ang kanilang mga ipinapataw na interest sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa House Resolution 1212 na inihain ni Rodriguez, tinukoy nito na napilitan ang ilang mga walang trabaho at walang kita na isanla ang kanilang mga valuables o pag-aari upang may ipangkain at ipantustos sa pamilya.

Napansin ng kongresista na nitong mga nakaraang buwan ay dumami ang mga borrowers at nagsasanla sa mga pawnshops dahilan kaya ilang mga sanglaan naman ang nagsamantala sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang lending rates.


Binigyang diin ni Rodriguez ang pagsunod sa BSP Circular No. 938 kung saan ipinatatakda sa mga regulators ang mas mababang interest charges.

Ang interest rate at iba pang surcharges mula sa pinapahiram ng mga pawnshops ay nababatay dapat sa kasalukuyang lagay ng merkado at salig na rin sa itinatakda ng Lending Act.

Sinabi pa ng mambabatas na ngayong may pandemya ay nararapat lamang na tulungan ng BSP ang mga apektadong Pilipino dahil maraming problema na ang kinakaharap ng mga ito at hindi na dapat dagdagan at pabigatin ang buhay sa mga ipinapataw na mataas na interest rates.

Facebook Comments