Manila, Philippines – Nalalapit na ang pagtatatag ng Intergovernmental Task Force para sa pagbibigay proteksyon at tulong sa mga turista na nasa bansa matapos na aprubahan sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8961.
Sa ilalim ng panukala, kinikilala ang sektor ng turismo bilang major contributor sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nakasaad rito ang pagtatatag ng Tourist Protection and Assistance Task Force na mangangasiwa sa pagkakaroon ng directional signages sa tourist facilities, pagpapakalat ng multilingual travel and tourism information at promotional materials.
Magkakaroon rin ng toll-free telephone assistance system, institusyong hahawak sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga turista at koordinasyon sa LGUs para sa pagtatayo ng help desks.
Bukod sa kalihim ng Tourism Department, kasama sa task force ang secretaries ng DOTr, DPWH, Department of Justice, at PNP chief.