Interim guidelines sa workplace ng mga manggagawang magbabalik trabaho, inilatag na ng DOLE at DTI

Inilabas na ng Department of Labor and Employment o DOLE at ng Department of Trade and Industry ang panuntunan sa workplace ng mga manggagawang magbabalik trabaho para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Kabilang sa guidelines ay dapat magkaroon ng healthy lifestyle sa workplace ang mga manggagawa tulad ng pagkain ng masusustansiya at pag-inom ng maraming tubig at bawal ang alak.

Hinihikayat din ang mga kumpanya na magbigay ng libreng gamit at vitamins sa kanilang mga empleyado at para mabawasan ang pagkalat ng COVID-19.


Kailangan na nakasuot ng face masks ang lahat ng papasok sa workplace sa lahat ng oras.

Dapat ding mag-provide ang employer ng tamang face masks at kung gagamit ng face masks na gawa sa tela, dapat ay yung washable type.

Kailangan din ang regular na pagsusuri sa body temperature ng bawat manggagawa.

Kapag ang isang empleyado ay magrerehistro sa thermal scanner ng 37. 5-degree Celsius na body temperature, kahit pa pinagpahinga na ito ay kailangang i-isolate agad at hindi na dapat payagang pumasok pa.

Dapat din mayroong isolation area ang bawat workplace na may maayos na bentilasyon at regular na isinasailalim sa disinfection.

Pinatitiyak din ng DOLE at DTI ang pagkakaroon ng sanitizer sa mga hallway, elevator, conference areas at ibapang lugar ng paggawa.

Dapat ding pairalin ang tamang physical distancing na 1-meter radius sa gilid, likod at harap ng bawat manggagawa.

Hinihikayat din ang mga employer na pahintulutan ang work from home arrangement sa mga manggagawang nasa vulnerable sector gaya ng mga senior citizen at hindi ito dapat makaapekto sa kanilang sahod at natatanggap na benepisyo.

Facebook Comments