Interim Reimbursement Mechanism, sinuspinde ng PhilHealth

Sinuspinde na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas.

Ayon sa PhilHealth, iisip sila ng paraan para ireview ang kanilang sistema at gawing mas kapaki-pakinabang ang IRM lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.

Ang IRM ay ang pagbibigay ng cash advance sa mga health care institution kapag mayroong emergency.


Una nang natuklasan sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na ginagamit ang IRM para magbayad sa pekeng dialysis center na naidedeposito sa isang rural bank sa Bataan mula sa ibang rehiyon.

Sa data ng PhilHealth, lumabas na ang Davao City-based Southern Philippines Medical Center ay nakakuha ng P326 million na cash advance.

Sinundan ito ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na may cash advance na P263 million at Davao Regional Medical Center na mayroong P209 million.

Una na ring itinanggi ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales na may palakasan sa pagrelease ng pondo ng IRM.

Facebook Comments