Maglulunsad ng internal investigation ang Philippine Army hinggil sa naganap sa sunog kagabi sa ammunition complex ng 4th Infantry Division sa Camp Edilberto Evangelista sa Cagayan de Oro.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerses Trinidad, layon nitong maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Tiniyak din ni Trinidad na makikipag-cooperate ang Philippine Army sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagtukoy ng naging sanhi ng sunog.
Sa ngayon, hinihintay na lamang aniya ang “cooling off period” ng Explosive and Ordinance Disposal experts ng army bilang pag-ingat sa residual explosion, bago magsimula ng imbestigasyon.
Base sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog pasado alas-12:00 ng hatinggabi kung saan naapula ito dakong alas-3:10 kaninang madaling araw.
Nabatid na sa nangyaring sunog, nagkaroon ng serye ng mga malalakas na pagsabog dahil maraming nakaimbak na armas at mga bala sa lugar.
Walang sundalo ang nasaktan pero 3 sibilyan ang nagtamo ng shrapnel wounds sa pagsabog ng ammunition sa sunog.
Habang 49 na pamilya na binubuo ng 233 indibidwal na nakatira malapit sa ammunition complex ang pansamantalang inilikas sa 4ID gymnasium at Brgy. Patag covered court.