Internal investigation ng NPA sa mga kasamahan nilang nakapatay sa 2 sibilyan sa Masbate, kalokohan ayon sa DND

172

Walang aasahang hustisya sa gagawin umanong internal investigation ng New People’s Army (NPA) sa pag-atakeng ginawa ng kanilang mga tauhan sa Masbate, kamakailan matapos aminin nila na ito ay isang “tactical error”.

Ito ang sinabi ni Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong kasabay ng pagkondena sa pambobomba at pamamaril na ginawa ng NPA na nagresulta sa pagkamatay ni Far Eastern University (FEU) football player na si Keith Absalon at kaniyang pinsan.


Para kay Andolong, hindi “tactical error” ang ginawa ng NPA dahil kalakaran nila ang gumamit ng mga landmine para makapinsala at pumatay.

Aniya ang kanilang ginawa ay lantarang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) at patunay na wala silang pakialam kung may madamay na mga inosenteng sibilyan.

Kaya naman panawagan ni Andolong sa publiko na magkaisa sa pagkondena sa mga patuloy na panggugulo ng NPA, at itakwil ang teroristang grupo.

Facebook Comments