
Naging batayan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang mga pahayag ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nagbunyag ng katiwalian.
Ito’y matapos ang kanyang pananatili sa BI Warden Facility habang dinidinig ang kanyang deportation case.
Ayon sa BI, bagama’t hindi pa beripikado ang mga alegasyon ng iligal na paggamit ng cellphone at umano’y katiwalian na nagsilbing batayan para sa masusing internal review at pagpapatibay ng mga patakaran sa nasabing detention facility.
Iginiit ng BI ang mahigpit na “no contraband at no unauthorized gadget policy” sa lahat ng detention facility at pananagutin ang sinumang kawani na lalabag sa mga patakaran.
Matatandaang nagsagawa ng inspeksyon ang ahensya sa mga Warden Facility sa Taguig at Muntinlupa kung saan nakumpiska ang iba’t ibang kontrabando kabilang ang hindi awtorisadong pera, cellphone, electronic devices, sigarilyo, e-cigarettes, patalim, at mga gamit sa sugal tulad ng baraha.










