Internal review sa performance ng mga opisyal at kawani ng PNP na unang nag-courtesy resignation, inaasahang matatapos sa loob ng dalawang linggo ayon kay PBBM

Matatapos sa loob ng dalawang linggo ang ginagawang internal review sa performance ng mga opisyal at kawani ng Philippine National Police (PNP) na unang nag-courtesy resignation.

Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginanap na 1st Joint National Peace and Order Council (NPOC) at Regional Peace and Order Council (RPOC) meeting sa Malacañang kahapon.

Ayon sa pangulo, layunin ng internal review ay upang matukoy ang mga pulis na nasasangkot talaga sa iligal na droga.


Sinabi pa ng pangulo hindi kalaban ng gobyerno ang mga pulis sa katunayan partner sila ng pamahalaan para sa pagkakaroon nang payapa at maayos na bansa ngunit may ilan aniya ang nagpapadala tukso kaya nakakagawa ng katiwalian na dapat ay mapanagot.

Matatandaang noong nakaraang buwan ng Enero nang unang inanunsyo ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., sa mga matataas na opisyal ng PNP na maghain ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng paglilinis ng police force na nasasangkot sa iligal na droga.

Sa ginawa ring pagpupulong kahapon, hinikayat ng pangulo ang mga miyembro ng konseho na tutukan ang problema ng Pilipinas sa peace and order, gulo sa politika at sindikato ng droga.

Facebook Comments