Posibleng aabutin pa hanggang 2026 bago tuluyang makabalik sa pre-pandemic level ang air travel sa Pilipinas lalo na ang mga biyaheng nagsisilbi sa mga international travel.
Ayon kay Samuel David, ang country head ng International Air Travel Association, ito ay dahil na rin sa iba’t ibang mga isyu na kinakaharap ng aviation industry.
Kinabibilangan ito ng kakulangan ng mga aircraft parts, patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, at iba pa.
Bagaman nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga naibentang ticket nitong nakalipas na taon, naniniwala si David na hindi ito sapat na garantiya upang matiyak ang tuluyan nang pagbabalik ng international air travel dito sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan aniya, ang international passenger air traffic sa bansa ay umaabot pa lamang ng hanggang 75% kumpara sa 2019 level.
Sa kabila nito ay sinabi ni David na maaari pa itong matugunan ng bansa, sa pamamagitan ng pag-aayos o pagbubukas sa ilang pasilidad at iba pang airport, katulad ng Cebu, Zamboanga, at iba pang mga lokasyon sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay David, hindi lamang ang Pilipinas ang nakakaranas ng ganitong isyu kungdi maging ang iba pang bansa, hanggang sa global level.