Pinabubuwisan ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang mga international digital services gaya ng Netflix, Spotify, at advertisements sa Facebook, at Youtube sa ilalim ng House Bill 6765 o ang “Digital Economy Taxation Act of 2020.”
Sa pagtaya ni Salceda, kung bubuwisan ang mga ito ay kikita ang pamahalaan ng ₱29.1 Billion kada taon na maaaring ipandagdag sa pondo kontra COVID-19.
Paglilinaw ng kongresista, hindi ito bagong buwis kundi oobligahin lamang ang mga industriya gaya ng digital economy na magbayad para pantay sa lahat ng negosyo sa Pilipinas.
Inihalimbawa ng kongresista ang Netflix na nagbabayad naman ng buwis sa Indonesia, India at mga bansa sa Europa kaya bakit hindi ito gawin ng Pilipinas.
Bukod dito, balak na rin pagbayarin ang Lazada at Shopee ng Value Added Tax (VAT) habang ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) gaya ng Grab at Angkas ay sisingilin ng income tax.