Ipinagbabawal muna ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga inbound international flights na magmumula sa South Africa, Botswana, at iba pang mga bansa na nakapagtala na ng bagong COVID-19 variant na B.1.1.529 na unang natukoy sa South Africa.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, agad itong magiging epektibo at tatagal ang suspensyon hanggang December 15, 2021.
Aniya, pag-iingat ito para hindi makapasok sa bansa ang nasabing variant na madaling makahawa.
Kasabay nito, inatasan naman ng IATF ang Bureau of Quarantine (BOQ) at mga Local Government Unit (LGU) na hanapin ang mga biyahero na nagmula sa nasabing mga bansang na dumating sa Pilipinas ng mas maaga ng pitong araw bago ipatupad ang temporary suspension.
Kailangan sumailalim sa 14-day facility based quarantine ang mga ito at sumailalim sa RT-PCR test sa ikapitong araw o kung kailan sila mahahanap.
Maliban dito, inaprubahan din ng IATF ang temporary suspension ng mga inbound international flights mula sa Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique na katabi lang ng South Africa at Botswana.
Nilinaw naman ni Nograles na papapasukin pa rin sa Pilipinas ang mga pasaherong na nag-transit o bumibayahe na galing sa nasabing mga bansa at darating bago mag-alas-12:01 ng hatinggabi ng November 28.
Papayagan din makapasok sa Pilipinas ang mga pasaherong Pilipino o dayuhan na galing sa nabanggit na mga bansa basta nagstop over lamang doon at hindi lumabas ng airport.
Kinakailangan naman ng mga ito na dumaan sa mahigpit na testing at quarantine protocols.