Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Senado ang pagsang-ayon ng Pilipinas sa International Labour Organization (ILO) Convention No. 81 o ang Convention Concerning Labour Inspection in Industry and Commerce.
Inabot na ng halos pitong dekada ang kasunduang ito bago naratipikahan ng Pilipinas.
Sinabi ni Senate Committee on Labor Chairman Joel Villanueva na ang kasunduang ito ay maituturing na napakalaking panalo para sa bawat manggagawang Pilipino.
Sa ilalim kasi ng ILO C81, itinatakda ang international standard sa labor inspection sa mga industrial at commercial establishments.
Umaasa ang senador na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng sapat na monitoring ng mga pangunahing prinsipyo ng disenteng trabaho para sa lahat at malalaman din ng mga manggagawa at mga employer ang kanilang mga tungkulin para mapanatili ang isang maayos na employee-employer relationship.
Dagdag pa rito ay umaasa rin si Villanueva na tataas pa ang bilang ng mga labor inspector sa bansa.