International support ng Pilipinas vs China, hindi sapat- NSC

Aminado si National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., na hindi sapat ang suporta na inaani ngayon ng Pilipinas mula sa international community hinggil sa ginagawang pambu-bully ng China sa West Philippines Sea (WPS).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Esperon na bagama’t hindi ito sapat ay nakakatulong ito upang mapalakas ang loob ng ating mga tropa na nakaposte at nagbabantay sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) na pilit na inaangkin ng China.

Malaking tulong din aniya ito dahil pumapanig ang ibang mga bansa sa Pilipinas at isinusulong ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 arbitral ruling.


Kabilang sa mga bansa na nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ay ang Canada, Germany, France, Japan at Australia.

Samantala, kapag nagpatuloy pa aniya ang panggigipit ng China ay sasaklolo naman ang Estados Unidos sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty.

Kasunod nito, sinabi ni Esperon na patuloy pa rin dapat ang ating pagpapalakas upang maprotektahan ang ating mga teritoryo.

Nagpapasalamat aniya sila kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil isinulong nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) modernization na makatutulong sa pagpapalakas ng ating pwersa.

Facebook Comments