International tourist arrivals sa bansa, umabot na sa apat na milyon

Hindi pa man natatapos ang taon ay umabot na sa mahigit 4 na milyon ang international tourist arrivals sa bansa.

Sa budget hearing ng Department of Tourism (DOT) sa Senado, sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na hanggang nitong October 3, 2023 ay mahigit 4 million o 84.72 percent na ang inbound arrivals sa Pilipinas at malapit nang maabot ang target na 4.8 million international tourist arrivals bago matapos ang taon.

Ang nasabing bilang ay halos dalawang beses ang itinaas mula sa 2.65 million na international arrivals sa bansa noong 2022.


Ito ay nakapagpasok na sa bansa ng malaking kita sa ekonomiya na aabot sa P344 billion, as of September 30, 2023.

Samantala, bumaba naman sa 20 percent ang panukalang pondo para sa DOT sa susunod na taon.

Sa 2024, aabot sa P2.991 billion ang inaprubahang budget sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) kumpara sa P3.73 billion ngayong 2023.

Facebook Comments