Buo ang tiwala ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles na handang sumunod ang mga tanggapan ng gobyerno, mga pribadong kompanya at iba pang workplaces sa itinatakda ng International Labour Organization (ILO) Convention No. 190.
Ayon kay Nograles, ito ang kauna-unahang international treaty na nagsusulong sa karapatan ng bawat isa na makapagtrabaho ng ligtas sa karahasan at panggigipit.
Kaugnay nito ay inaprubahan na ng komite ni Nograles ang mga resolusyon na nagsusulong sa agarang pagratipika ng gobyerno sa ILO C190.
Diin ni Nograles, bawat tao ay may karapatan na makapagtrabaho nang may dignidad at malaya sa karahasan.
Kaya naman giit ni Nograles, mahalagang maratipikahan natin agad ang nabanggit na tratado sa lalong madaling panahon upang maprotektahan ang mga manggagawa laban sa iba’t ibang anyo ng workplace violence and harassment na ang epekto ay madalas nararamdaman din ng pamilya ng mga mga biktima.