Aminado ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na marami pang kinakailangang gawin para makamit ang nationwide internet connectivity.
Tiwala si DICT acting Secretary Emmanuel Rey Caintic, na mas mapapahusay pa ang internet connectivity sa ilalim ng digital infrastructure program ng ahensiya.
Hanggang Pebrero 2022, mayroon nang 79.66 milyong internet user sa Pilipinas at 72.7 percent internet user penetration rate.
Ayon iyan sa Statista.Com na may median download speed na 18.79 megabits per second (Mbps) para sa mobile internet at 49.10 Mbps para sa fixed broadband ayon sa Ookla Speedtest.
Ang planong pagtatayo ng National Digital Infrastructure ay upang kumonekta sa mga lugar na kakaunti o walang access sa internet.
Sabi pa ng kalihim, nakatutok ngayon ang programa sa pagtulong sa telecom companies sa kanilang mga pamumuhunan at imprastraktura.