Kumpiyansa si Deputy Speaker Bernadette Herrera na mapapabilis ang internet connectivity sa bansa sa oras na maamyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Naniniwala si Herrera na ang pagpayag na luwagan ang foreign investment sa bansa ang isa sa magiging daan para magmura at mapabilis ang internet sa Pilipinas.
Tinukoy ng lady solon na naipakita ng pandemya ang kahalagahan ng abot-kaya, mabilis at stable na mobile at internet connections.
Pero hindi aniya ito ang sitwasyon sa bansa dahil sa kawalan ng kompetisyon ng dalawang naghaharing telecommunications company kaya wala ring mapagpilian ang mga Pilipino kundi magtiis sa mahal at mabagal na internet connection.
Sinabi ng lady solon na ang pagpasok ng mga dayuhang kompanya sa bansa sa pamamagitan ng pag-relax sa ilang mga government policies ay makakatulong para sa pagpapaunlad ng kalidad ng mga produkto, serbisyo, at magbibigay sa mga consumers ng mas maraming mapagpipilian at mapapanatiling abot-kaya ang presyo.
Sa ilalim kasi ng Konstitusyon ay nililimita sa 40% ang foreign ownership sa operasyon ng mga public utilities tulad ng telcos at 60% naman na pagmamay-ari para sa mga Filipino citizens o korporasyon.