Positibo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na humusay ang estado ng internet connectivity sa bansa nang simulan ang commercial rollout ng DITO Telecommunity.
Ayon kay DICT Secretary Gregorio Honasan II, ang digital infrastructure at connectivity ang pangunahing kakayahan ng bansa para umusad, tugunan ang mga pagbabago sa lipunan at maabot ang mga hamon ng kinabukasan.
Dahil namumuhunan ang pribadong sektor sa digital infrastructure para i-upgrade ang competitiveness ng bansa, umaasa sila na makakalikha pa ito ng mas maraming oportunidad, lumikha ng trabaho at gumanda pa ang buhay ng bawat mamamayan.
Patuloy na makipagtutulungan ang DICT sa National Telecommunications Commission (NTC) para i-monitor ang rollout ng lahat ng telco player kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagandahin ang serbisyo ng mga telco sa gitna ng new normal.
Ang ikatlong telco ay naglunsad na ng serbisyo nito sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao noong March 8 partikular sa Carcar City, Cebu City, Consolacion, Danao City, Liloan, Mandaue City, Minglanilla, Naga City, San Fernando, Talisay City, Panabog City, Tagum City, Carmen, Davao City at Digos City.
Inaaasahang magiging available ang serbisyo ng DITO sa buong bansa sa kalagitnaan ng 2021.