Internet service providers na lumalabag sa Anti-Child Pornography Law, kakastiguhin na ng gobyerno

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) para matugunan ang dumaraming kaso sa bansa ng online sexual exploitations sa mga menor de edad ngayong pandemya.

Ayon kay Guevarra, isa sa mga inaprubahan ng Presidente ay ang direktiba sa National Telecommunications Commission na patawan ng parusa ang mga Internet Service Providers (ISPs) dahil sa kabiguan ng mga ito na magampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng RA 9775 o Anti-Child Pornography Law.

Sa ilalim ng batas, dapat na abisuhan ng ISPs ang Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI) na ginagamit ang kanilang pasilidad para sa child pornography, magpreserba ng mga ebidensya para sa prosekusyon ng kaso at mag-install ng teknolohiya para i-block ang access sa child pornography.


Pinagtibay rin ng Malacañang ang pagpapalabas ng executive order na magpapalakas sa kooperasyon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP), at iba pang relevant agencies.

Aprubado rin ang mungkahi ng DOJ na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na nag-aamyenda sa Anti-Trafficking in Persons Law.

Sa mga nasabing panukala ay gagawing exempted sa Anti-Wiretapping Law ang sexual exploitations sa mga kabataan.

Sinang-ayunan din ng Palasyo ang rekomendasyon ng DOJ na madagdagan ng pondo at tauhan ang IACAT.

Facebook Comments