Iginiit ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagkaroon ng improvement sa internet speed ng bansa.
Sa budget hearing para sa 2021 ng DICT, sinabi ni Asec. Emmanuel Caintic na tumaas sa 25.07 megabits per second (MBPs) ang fixed broadband speed ngayong taon kumpara sa 7.91 MBPs noong 2016.
Habang nanatili naman sa 6.95 MBPs ang internet mobile speed sa bansa.
Pero nilinaw ni Caintic na hindi pa dapat magalak dahil malayo pa ito sa 213.18 MBPs na fixed broadband at 56.43 MBPs sa mobile speed.
Aminado ang opisyal na kulang pa ang bansa sa mga imprastraktura para sa kinakailangang internet speed.
Mangangailangan aniya ng ₱17 billion na pondo para mapalakas ang ‘national digital highway’ sa pamamagitan ng paglalagay ng optic fiber cables sa 81 mga probinsya sa bansa.
Inihirit naman ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na dagdagan ang pondo ng National Broadband Program ng DICT sa 2021 na nasa ₱902 million lamang ang pondo.