Naitala ng Ookla Speedtest Global Index ang bahagyang pagbagal sa fixed broadband at mobile median download speeds sa Pilipinas noong Enero.
Bunsod ito ng pananalasa ng Bagyong Odette na matinding humagupit sa 22 lalawigan sa Visayas at Mindanao noong nakaraang taon.
Bumagal ang fixed median broadband speed sa bansa sa 49.52Mbps mula sa 50.26Mbps na naitala noong Disyembre kung saan ang average fixed broadband speed ay naitala naman sa 81.08Mbps.
Ang median download speed ay kumakatawan pa rin sa improvement na 526.04% mula nang mag-umpisa ang Duterte administration noong July 2016.
Bahagya ring bumagal ang mobile median speed sa bansa sa download speed na 17.95Mbps mula sa 19.20Mbps habang average mobile download speed sa bansa ay naitala sa 41.01Mbps.
As of 28 January 2022, ini-report ng Globe na on-going pa rin ang full restoration efforts sa telco facilities sa kanilang Globe sites sa Bohol, Cebu, Leyte, Southern Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.
As of 05 January 2022, inihayag ng Smart na on-going pa rin ang full restoration efforts ng telco facilities ng Smart sites sa Bohol, Cebu, Leyte, Southern Leyte, Negros Occidental Negros Oriental, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Palawan at Misamis Oriental.
Inihayag naman ng Fiber internet provider na Converge ICT Solutions na apektado rin ang kanilang network operations sa Iloilo, Capiz, Cebu, Cagayan de Oro at Davao habang ang Dito Telecommunity ay naapektuhan din ang kanilang serbisyo sa Visayas at Mindanao.
Patuloy ang telcos sa kanilang mga hakbang upang tuluyan nang maibalik ang internet connectivity bilang tugon sa panawagan ng National Telecommunications Commission na agad ibalik sa normal ang telco services sa lahat ng lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.