Susuriing muli ng National Telecommunications Commission (NTC) ngayong katapusan ng Disyembre ang internet speed sa Pilipinas, na siyang target na petsa ng mga providers para sa kumpletong paggawa ng cell sites.
Ayon kay Edgardo Cabarios, Deputy Commissioner ng NTC, kadalasang tumatagal ng tatlong buwan bago makapagpatayo ng cell sites sa bansa.
Pero aniya, nagkakaroon naman ng average speed sa internet na indikasyon na nagkakaroon ito ng pagbabago.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng Malakanyang na dapat kalampagin muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Globe at Smart na itinuturing na dalawang higanteng telcos sa bansa.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, wala pa ring pagbabago sa serbisyo ng mga ito kahit sinabi pa ng NTC na nag-improve na ang kanilang internet speed.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap na nauna pa sa Pilipinas ang Laos at Myanmar kung pag-uusapan ang internet speed at ang pagkukumpara sa mga bansang kapareho ng estado ng ating ekonomiya gaya ng Vietnam na nasa 18 ang ranking.