Binuhay muli sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na “Internet Transactions Act”.
Pinangunahan ni Leyte Rep. Martin Romuladez ang paghahain ng House Bill 4 na nilalayong palakasin at paunlarin ang e-commerce sa bansa sa pamamagitan ng pagpapataas sa bilang ng mga participant at pagkamit ng ‘sustainable growth’.
Tinukoy sa panukala ang isang pag-aaral na isinagawa noong 2019 ng ‘Google and Temasek’ na sa kabila ng pagtaas ng ‘internet economy’ sa ASEAN, ang Pilipinas ang may pinakamababang Gross Merchandise Value (GMV) o ang paggamit ng online sa kalakalan na aabot lamang sa $7 billion kumpara sa Malaysia na may $11 billion GMV.
Ang resulta ng pag-aaral na ito ay taliwas sa mataas na porsyentong nakukuha ng Pilipinas pagdating sa pinakamaraming internet users at pinakamatagal na oras na paggamit ng internet.
Kabilang naman sa mga problemang kinakaharap ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa paggamit ng online para sa pagnenegosyo ay ang pahirapan sa paggamit ng digital technology platforms, kawalan ng kaalaman sa benepisyo ng e-commerce, kakulangan ng mga polisiya at regulasyon para sa pagpoproseso ng online transactions at cross-border trading, dagdag pa rito ang mahina at mabagal na internet speed, payment schemes, delivery options, magkakalayong mga lugar sa bansa at pahirapang pagbabalik ng nabiling produkto.
Sa ilalim ng panukala ay isinusulong ang pagbuo ng E-Commerce Bureau na siyang magpapatupad, magbabantay, at sisiguro sa mahigpit na pagsunod sa Republic Act (RA) No. 8792 o ang Electronic Commerce Act of 2000 at implementasyon ng E-commerce Roadmap.