Nakatawid na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 10178 o Overseas Electronic Registration and Voting Act na kilala din bilang Internet Voting Bill.
Layunin ng panukala na mapalawak pa ang opsyon para sa pagpaparehistro at pagboto ng mga Filipino na nasa ibang mga bansa.
Para kay OFW PL Rep. Marissa Magsino, ang pag-usad ng panukala sa Kamara ay tagumpay para sa overseas voters, lalo na sa Overseas Filipino Workers.
Sa ilalim ng panukalang batas ay magkakaroon ng alternatibo, maginhawa at ligtas na paraan ng pagpaparehistro at pagboto ang ating mga kababayan sa ibayong dagat.
Bunsod nito ay inaasahan ni Magsino na pagtitibayin din ng Senado ang kaparehong panukala na tugon sa mababang bilang ng mga Pilipino sa abroad na lumalahok tuwing may eleksyon sa Pilipinas.