Interruptible Load Program, mainam na pag-aralang mabuti ng pamahalaan bilang paghahanda sa posibleng blackout

Iminungkahi ni Senator Imee Marcos sa Department of Energy (DOE) na araling mabuti muli ang kanilang Interruptible Load Program o ILP na pwedeng makabawas sa pasanin ng mga electrical power grid.

Ayon kay Marcos, mainam itong hakbang para mapaghandaan ang posibleng blackout sa panahon at pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9.

Paliwanag ni Marcos, kung pumalo sa yellow o red alert status ang paggamit ng kuryente ay magagawa ng ILP na pakilusin ang mga power distributor.


Inihalimbawa ni Marcos ang Meralco na pwedeng pakilusin ang kanilang malalaking customer na gamitin muna ang kanilang mga generator para suplayan ng kuryente ang publiko sa halip na kumuha sa mga power grid.

Giit ni Marcos, kailangang idetalye ng DOE ang pagsagawa ng ILP lalo na sa mga election hotspot kung saan ang halalan ay maaaring isabotahe ng mga local terrorist group.

Una nang nagpahayag ng pagkabahala si Marcos na hanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan ang kakayanan ng suplay ng kuryente bago at pagkatapos ng mismong araw ng botohan.

Facebook Comments