INTERVIEW | Mga aspirante sa CJ post, sumalang na sa public interview

Manila, Philippines – Nagsimula nang sumalang sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) ang mga kandidato para sa pagka-punong mahistrado.

Ito ay matapos mabakante ang chief justice post makaraang mapatalsik sa pamamagitan ng quo warranto petition si Maria Lourdes Sereno.

Unang sumalang sa public interview sina SC Associate Justices Lucas Bersamin, Teresita Leonardo-de Castro at Diosdado Peralta na susundan naman nina Associate Justice Andres Reyes Jr. at Judge Virginia Tejano-Ang ng Tagum City, Davao del Norte Regional Trial Court Branch 1.


Sa kanyang pagsalang sa public interview, inilatag ni Bersamin ang kanyang mga planong reporma sa hudikatura.

Kabilang dito ang pagsala sa mga kasong inihahain sa Supreme Court (SC) dahil sa dami ng volume ng mga kaso.

Humingi rin si Bersamin sa Kongreso ng karagdagang pondo para sa Korte Suprema at sa buong judiciary.

Sa usapin ng Delicadeza, ipinunto ni Bersamin na ang problema sa delicadeza ay ang kawalan ng definite rule dito.

Kaugnay pa rin ito ng isyu ng pagboto ni Bersamin sa sa quo warranto laban kay Sereno.

Kaya kung delicadeza pag-uusapan dapat pati mga pumabor mag-inhibit.

Sa panig naman ni Justice De Castro, tiniyak nito ang pagsusulong sa reporma sa rules sa mga batas kung saan ang sangkot ay mga bata o menor de edad.

Naungkat din sa interview ang hinggil sa realty property business ng asawa ni De Castro at ang kanyang SALN na may kabuuang halaga na 19.8-million pesos.

Pinabulaanan din ni De Castro na may ari-arian siya sa Baguio City.

Aniya, ang kanyang tanging property ay nasa Katarungan Village sa Parañaque.

Tiniyak din ni De Castro na maayos ang kanyang relasyon sa kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema at wala pa aniyang nagreklamo laban sa kanya hinggil sa kakulangan sa judicial temperament o pagiging maiksi ng pasensya.

Sa kanya namang pagsalang sa interview, iniulat ni Justice Peralta na sa loob ng sampung taon niyang mahistrado sa Korte Suprema, umaabot na sa 6,500-6,800 na mga kaso ang kanyang naresolba.

Facebook Comments