Maaaring tapikin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagsisilbing Chief Tracing Czar ang mga indibiduwal na may “investigative mindset” kabilang ang mga dating imbestigador at intelligence personnel sa pagtunton sa mga pasyenteng hinihinalang tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Magalong, ang contact tracing teams ay binubuo ng health workers, police personnel at technical support, pero maaari din silang samahan ng mga taong may pinag-aralan sa investigation, criminology at intelligence work.
Ang mga bagong contact tracers ay sasanayin sa “cognitive interviewing” para sa epektibong pagtunton sa close contacts ng COVID patient.
Ang mga analyst, encoders, technical support at community support teams ay maaari ding tumulong sa contact tracing efforts.
Ang training para sa cognitive interviewing at technology applications tulad ng COVID-19 data collection tool, geographical information at analytical tool-link analysis ay posibleng abutin ng isang linggo.