Manila, Philippines – Pinasususpendi ng Commission on Human Rights (CHR) ang kampaniya ng Philippine National Police (PNP) kontra tambay.
Ayon kay Commissioner Atty. Gwen Pimentel, dapat suspendihin ang anti-tambay campaign dahil mas mainam na ipaalam muna ng PNP sa publiko ang lawak ng kanilang kampaniya.
Aniya, dapat munang tukuyin din ng PNP kung anong uri ng mga tambay ang aarestuhin para maalis ang anumang agam-agam ng publiko na baka sila ay basta na lamang damputin ng mga otoridad.
Kasabay nito, nagpaalala naman si Atty. Dan Abdiel Elijah Fajardo, National President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa maaaring gawin ng huhulihing tambay at sa tungkulin ng mga pulis.
Aniya, dapat ipaalam ng mga pulis ang nilabag ng sinisita nila.
Sabi pa ni Fajardo, sakaling ipilit sumama sa presinto ang hinuli, maari itong magpasama ng testigo at alamin kung saan ito dadalhin.
Bukas naman aniya ang IBP sa mga mangangailangan ng mga abugado.