IPAGBABAWAL | Election gun ban, ipatutupad na bukas bilang paghahanda sa Barangay at SK Elections

Manila, Philippines – Kasabay ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), epektibo na rin sa Abril 14 ang gun ban sa buong bansa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election.

Lahat ng permit to carry, mission order, at iba pang permiso ay kanselado na simula sa Abril 14.

Tanging mga pulis, sundalo, at mga security personnel na may exemption at naka-duty lang ang maaaring magdala ng baril.


Ayon kay Commission on Election Spokesperson James Jimenez, magsisimula na rin ang COMELEC checkpoint simula madaling araw ng Sabado.

Sabi ni Jimenez, bawal na rin ang paggamit sa mga bodyguard, pagtatalaga ninuman sa pampublikong posisyon, at paggamit sa mga government property lalo na sa kampanya.

Aniya, bawat kandidato ay maaari lamang gumastos ng P5 kada botante sa lugar kung saan siya kumakandidato.

Sinumang lumabag sa mga patakarang ito ay maaaring makulong at ma-disqualify ang kandidatura.

Ang mananalong mga kandidato ay dalawang taon lang maninilbihan dahil halalan ulit ng barangay sa 2020.

Facebook Comments