Manila, Philippines – Ipapatawag ni Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship Chairman Senator Koko Pimentel ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) para pagpaliwanagin sa pagsisikip sa pantalan lalo na sa Port of Manila.
Tugon ito ni Pimentel sa reklamo ng mga importers, traders, truckers, at grupo ng mga brokers na lumalaki ang kanilang bayarin sa storage kada araw dahil sa matagal na paglabas ng kanilang shipments.
Inirereklamo din ng samahan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang mga balikbayan boxes na natatambak ng matagal sa pantalan sa Maynila.
Tinukoy din ni Pimentel ang pahayag ng National Economic Development Authority o NEDA na umaabot sa P2.5 billion ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa port congestion.
Sa impormasyon ni Pimentel, umaabot ng 4-5 araw bago makadaong ang mga barko sa pier dahil sa pila at umaabot naman ng dagdag pang 2 hanggang 3 araw bago maibaba ang mga kargamento.
Isa sa nakikitang solusyon ni Pimentel ay ang maisama sa build, build, build program ng administrasyon ang pagdudugtong ng mga skyway at expressway para sa byahe patungong Subic at Batangas.