Masasayang lamang ang gagawing lockdown sa Metro Manila kung hindi kikilos ang pamahalaan para mapigilan ang COVID-19.
Ito ang iginiit ni dating National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Tony Leachon kasabay ng muling pagmungkahi ng mass testing at pagpapaigting ng contact tracing.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na kaya hindi bumababa ang ating mga kaso ay wala namang pumapansin sa COVID-19 positivity rate.
Kung ito aniya ang pinagtutuunan ng gobyerno ay mas mabilis nating mapipigilan ang pagkahawahan at pagdami pa ng mga namamatay dahil sa virus.
Kaugnay niyan, naniniwala si Leachon na kaya nakapasok ang Delta variant sa bansa ay dahil hindi agad tayo nagpatupad ng travel ban sa mga bansang may naitala na palang kaso ng mas nakakahawang variant.