Manila, Philippines – Nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na talagang ipapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mining companies na magbabayad ng revolutionary tax sa mga New People’s Army (NPA).
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pahayag ng ilang mining companies na mahirap na hindi magbayad ng revolutionary tax sa NPA dahil sa banta ng mga ito.
Ayon kay Presidential spokesman Secretary Harry Roque, kung ano ang sinabi ni Pangulong Duterte ay hindi mababali at tiyak na tutuparin ito ng Pangulo.
Sinabi ni Roque na tiyak na magkakaroon ng kaparusahan sa mga mining companies na hindi susunod sa sinabi ng Pangulo.
Umapela naman ang Malacañang sa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na gawin ang kanilang trabaho na protektahan ang mamamayan laban sa puwersa ng rebeldeng grupo.