IPASISIYASAT | Anti-tambay campaign ng gobyerno, paiimbestigahan sa Kamara

Manila, Philippines – Maghahain si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa susunod na Linggo ng resolusyon para imbestigahan ang anti-tambay campaign ng Duterte administration.

Ito ay kasunod na rin ng pag-aresto at pagpatay sa tambay na si Genesis Argoncillo alyas Tisoy na nahuli noong Biyernes pero natagpuan na patay sa kanyang kulungan sa Station 4 sa Novaliches QC.

Giit ni Zarate, hindi pasok sa public nuisance sa ilalim ng Civil Code ang pagkaka-aresto kay `Tisoy` dahil nakaupo lamang ito sa labas ng kanilang tahanan nang hulihin ito ng mga pulis.


Batay sa Article 694 ng Civil Code maituturing na public nuisance kung ang isang tambay ay nakakaabala at nagdudulot ng gulo para sa ibang tao.

Dagdag pa ni Zarate, tinatarget ng anti-poor campaign na ito ang mga mahihirap at walang trabaho pero mismong ang gobyerno ay hindi masolusyunan ang problema sa kawalan ng trabaho at nagtataasang presyo ng bilihin dahilan kaya may mga tambay sa lansangan.

Sinabi naman ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang anti-tambay campaign ay kahalintulad sa mga ipinapatupad na anti-people policies noong rehimeng Marcos na malinaw na pagpigil sa `freedom of movement` at ‘freedom of assembly’.

Facebook Comments