Manila, Philippines – Hinikayat ng mga eksperto ang publiko na ipatingin ang kanilang kidney kasabay ng “National Kidney Month”.
Ayon kay Dr. Russel Villanueva, isang nephrologist, kada taon ay libo-libong Pilipino ang naitatala na bagong kaso ng mga tinatamaan ng sakit sa bato o kidney disease.
Aniya, ang kidney disease ay isa sa mga nangungunang sakit na dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipiino.
Tinatawag rin aniya nila itong “silent killer” dahil lumalabas lamang ang mga sintomas ng sakit kapag ito ay malala na.
Sabi pa ni Villanueva, mas mataas ang tsansang magkaroon ng sakit sa bato ang mga may diabetes o altapresyon pati ang mga taong nasa lahi na ang pagkakaroon nito.
Kabilang din sa may mataas na risk ang mga obese at mahilig manigarilyo.
Dahil dito, magsasagawa ng libreng kidney consultation ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Hunyo 8, 22, at 29 para sa unang 100 pasyente na pupunta.