IPATUTUPAD NA | Proseso at paggawa ng National ID, pinasisimulan na

Manila, Philippines – Hindi pa man naisasabatas ay hiniling na ni Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ipatupad na ngayong taon ang National ID system.

Kampante si Nograles na maipapatupad ito ngayong taon matapos na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang counterpart ng nasabing panukala.

Bukod dito, suportado ng Duterte Administration ang National ID system at sa katunayan ay may inilaan nang 2 billion na pondo para dito sa ilalim ng 3.7 trillion na pambansang budget para sa 2018.


Wala pa mang pirma ng Pangulo, hinikayat na ng kongresista ang PSA na gamitin na ngayon ang inilaang pondo at simulan na ang proseso para sa paggawa ng National ID.

Tiniyak naman ng mambabatas na sa oras na magkaroon ng National ID ang lahat ng mga Pilipino, gagamitin naman ng Kongreso ang kanilang oversight functions upang hindi ito maabuso at mauwi lamang sa pagtugis sa mga kalaban ng gobyerno.

Kaugnay dito, ang lahat ng mga Pilipino ay obligadong kumuha ng National ID na maglalaman ng kanilang mga personal na impormasyon at ito na ang nagiisang ID na gagamitin sa mga transaksyon sa gobyerno.

Facebook Comments