Manila, Philippines – Iminungkahi ni dating Senador Bongbong Marcos Jr. ang pagbuhay sa Oil Price Stabilization Fund o OPSF upang proteksyonan ang publiko laban sa walang humpay na pagtaas ng produktong petrolyo.
Ang OPSF ay unang nilikha noong 1984 sa panahon ni dating Presidente Ferdinand Marcos sa layuning proteksyonan ang mga consumers sa makilos na galaw ng presyuhan ng langis sa world market.
Sa ilalim ng sistema, sa bawat bentahan ng petroleum products may porsiyento na inilalagay bilang stabilization fund.
Gayunman,binuwag ang OPSF nang isailalim sa deregulasyon ang oil industry sa panahon noon ng Ramos administration.
Aniya, napapanahon na para ibalik ang OPSF para may maging subsidy sa sandaling biglang tumaas ang presyo ng panindang langis .
Idinagdag ni Marcos na talo ang publiko sa oil deregulation dahil kapag bumababa ang presyuhan sa world market ay hindi naman kusang ibinabalik sa dati ang mababang presyuhan ng mga oil products.