Pagsasayang lang ng pera ng taumbayan ang naging reaksyon ni Senator Grace Poe sa ipinagawang rampa ng MMDA para sa mga persons with disabilities sa Philam station EDSA busway sa Quezon City.
Ang rampa kasi na para sa mga PWDs na naka-wheelchair ay hindi rin mapapakinabangan dahil sobrang matarik at madulas at delikado para sa ating mga kababayang may kapansanan.
Giit ni Poe, sa halip na makatulong ang rampa para sa mga PWDs na sumasakay ng bus, magiging buwis-buhay pa aniya ang paggamit nito.
Kinalampag ni Poe ang MMDA na agad isaayos ang rampa bago pa man may maaksidente rito.
Nakakadismaya aniya na makita ang milyong pondo ng mga taxpayers na ginastos sa mga proyekto na magiging kapahamakan pa sa kaligtasan at buhay ng publiko.
Paalala ng mambabatas sa mga ahensya ng gobyerno na gugulin ng tama ang public funds dahil kung hindi ito ay maituturing lang na pagsasayang ng pera at hindi rin maseserbisyuhan ng maayos ang sektor na nangangailangan ng tulong ng gobyerno.