Dumating na sa Lungsod ng Dagupan ang 20,000 doses ng Flu Vaccine mula sa isang kumpanyang Pharmaceutical & Healthcare Association of the Philippines (PHAP Cares).
Ang naturang flu vaccine ay ipinagkaloob umano sa pamahalaang lungsod ng Dagupan para sa mga Dagupenyo sakaling mangailangan ang mga ito.
Ipinagkaloob ang libu-libong bakunang ito sa pamamagitan ng Pangasinan Medical Society (PMS).
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Ophelia Rivera, city health officer, target umano ng LGU at CHO na ibinahagi agad ang bakuna sa mga Dagupeño lalong lalo na sa mga vaccination activities patuloy na nagaganap sa city plaza kung saan bukas araw ng Biyernes, (January 6) lalarga ang team para sa pagbabakuna at libre lamang ito.
Dadalhin din sa kada barangay sa mga susunod na araw ang bakuna sa agarang pamamahagi nito kung saan mga senior citizens, empleyado ng gobyerno, at general adult edad 18 at pataas ang benepisyaryo rito.
Matatandaan na noong nakaraang taong 2022 nang simulan ng LGU ang pagbabakuna sa mga senior citizens at nasa 2,000 doses ng flu vaccine ang natanggap ng LGU mula naman sa DOH.
Layunin ito ng kasalukuyang administrasyon na mabakunahan ang lahat ng mga senior citizens at mabigyan ng proteksyon laban sa influenza viruses.
Ipinanawagan ngayon ng LGU na bukas na ang umpisa ng muling pagbabakuna ng libreng flu vaccine.
Sa mga nais makakuha ng bakuna, makipag-ugnayan lamang sa City Health Office (CHO). |ifmnews
Facebook Comments