Manila, Philippines – Ibinida ngayon ng Technichal Education and Skills Development Authority o TESDA na 20 libong rebel returnees na ang kanilang naipasok sa kanilang training program sa nakalipas na 2 taon.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni TESDA Executive Director Elemer Talavera ito ang kanilang naitalang impormasyon mula noong 2016 hanggang ngayong taon.
Ibinida din naman nito na mas pinalawak pa nila ang pagpapaabot ng tulong sa mga sector na mas nangangailangan tulad ng mga dating rebelde na nagbalikloob sa pamahalaan.
Bukod din aniya sa mga rebelde ay tumutulong na sila sa mga indigenous people pati na sa mga persons with disabilities sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga skills training sa mga ito upang magamit sa paghahanap ng trabaho.
Ibinida din ni Talavera na sa bawat 100 indibidwal na nagsanay sa TESDA ay mahigit 70 sa mga ito ang nakakakuha ng trabaho.