Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Senate President Koko Pimentel ang naging aksyon ng pamahalaan laban sa Italyanong human rights activist na si Giacomo Filibeck na sya ring deputy secretary-general ng Party of European Socialists.
Giit ni Pimentel, ipinapatupad lang ng Bureau of Immigration o BI ang batas na nagbabawal sa mga dayuhang gaya ni Filibeck na makialam sa mga isyung pampulitikal sa bansa.
Si Filibeck ay agad na ipinadeport ng dumating sa paliparan sa Mactan, Cebu noong Linggo dahil blacklisted na ito ng BI.
Kabilang din si Filibeck sa grupo ng mga European activist na nagtungo sa bansa noong Oktubre at nag-imbestiga sa drug war at kumundena sa pagpatay sa mga drug suspects.
Punto ni Pimentel, hindi dapat makahigit sa mga batas na umiiral sa bansa ang sinumang dayuhan at ang pagpapalayas kay Filibeck ay pagpapakita na ang lahat ay dapat sumunod sa batas.
Suportado din ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang deportasyon kay Filibeck dahil maituturing aniya itong undesirable alien na nanggugulo lang dito sa bansa.