Taliwas sa sinabi kahapon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na walang committee report ang 2019 national budget, isinapubliko ngayon ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ang kopya ng committee report na kanilang binuo at inaprubahan.
Matatandaang kahapon ay iginiit ni Andaya na wala pang committee report ang 2019 budget dahilan kaya nagpatawag ng executive meeting sa appropriations committee dahil wala umanong report na dumadaan sa committee on rules.
Pero sinabi naman ni Nograles na nagpatawag ng pulong at pilit na pinapapirmahan sa kanya ang isa pang committee report ng 2019 national budget.
Ipinakita ni Nograles ang orihinal na report na may petsang September 11 na pirmado niya at may kaakibat na sertipikasyon ng committee secretariat na si Elena Ramos.
Patunay ng sertipikasyon na aprubado ng komite ang committee report at malabong mai-kalendaryo ito sa plenary deliberation kung hindi ito dumaan sa rules committee.
Samantala, ngayong umaga ay nagbukas lamang ang sesyon ng alas dyes ng umaga alinsunod sa announcement bago mag-adjourn kahapon pero agad ding nag-suspend at inaantabayanan pa ang mga susunod na magaganap sa budget deliberation sa Kamara.