Manila, Philippines – Ipinaliwanag ngayon ng pamahalaan na planado at hindi para lamang pantakip sa epekto ng TRAIN Law ang ibinibigay ng gobyerno na Unconditional Cash Transfer Program o UCT ng pamahalaan para sa mga mahihirap na Pilipino.
Ang UCT ay ibinibigay sa mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer Program (CCT), mga mahihirap na senior citizens at mga mahihirap na Pilipino na hindi kabilang sa listahan ng CCT o ang mga pinakamahihirap na Pilipino.
200 piso kada buwan ang natatanggap ng mga benepisyaryo at naibigay na ang unang bahagi ng benepisyo noong unang kalahati ng taon at kasalukuyang ibinibigay ang natitirang kalahati.
Ayon kay Trade Undersecretary Tony Lambino, kasama talaga sa TRAIN Law ang UCT ng pamahalaan dahil kinikilala ng pamahalaan na magkakaroon ng pagtaas ng presyo sa pagpapatupad ng TRAIN Law kaya isinama ang UCT nang makatulong sa mga mahihirap na Pilipino.
Binigyang diin din naman ni Lambino na tataas din sa 300 piso kada buwan ang matatanggap ng mga benepisyaryo ng UCT sa mga susunod na taon dahil tataas din ang excise tax na ipapataw ng gobyerno sa mga produktong petrolyo.