Isinumite ng isang mambabatas sa La Union ang natanggap na rice incentive bilang food aid ng ilang indibidwal upang imbestigahan ng kaukulang komite sa Sangguniang Panlalawigan, matapos ireklamong hindi umano ‘fit for human consumption’ ang bigas.
Binuksan pa mismo sa naturang regular session ang sako ng bigas upang aktwal na makita ang kalidad nito, na inilarawan bilang pinagsamang kulay abo at dilaw, at medyo hindi kaaya-aya ang amoy.
Isinumite bilang ebidensya sa Committee on Health at Agriculture upang malaman ang kalidad ng bigas ng hindi pa natutukoy na benepisyaryo.
Dahil dito, itinawag pansin ng mambabatas kung dumaan ba sa wastong proseso ang pagbili alinsunod sa RA 9184 o ang “Government Procurement Reform Act”.
Nais malaman ang kasagutan kung dumaan ba sa tamang proseso ng bidding, magkano ang presyo ng bawat sako ng biniling bigas, sino ang mga naging benepisyaryo ng depektibong produkto at kung nasuri ba ang kalidad ng mga I-dineliver na bigas bago ipamahagi.
Giit ng mambabatas, nais lamang malaman kung nakamtan ang benepisyong maidudulot sana ng ipinamahaging rice incentive na dumaan sa wastong prosesong itinakda sa batas habang isinaalang-alang ang kapakanan at kalusugan ng mga benepisyaryo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










