Umapela si Senador Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission (ERC) na gawing refund sa konsyumer ang ipinataw na multa sa energy players na responsable sa rotational blackouts.
Hiling ito ni Hontiveros matapos ianunsyo ng ERC ang karagdagang power firm na pinatawan ng multa dahil sa paglabag sa pinapayagang mga araw ng pagkawala ng kuryente para sa 2020 at 2021.
Nagpapasalamat si Hontiveros sa ERC sa pag-aksyon at pagpapanagot sa mga energy players na responsable sa rotational brownout.
Pero giit ni Hontiveros, mas makikinabang ang konsyumer kung maibabalik sa kanila bilang refund ang multa na binabanggit ng ERC.
Kabilang sa mga pinagmulta ng ERC ay ang mga power generation firm na
Power Asset and Liabilities Management Corp., Energy Development Corp., SPC Island Power Corp., Team Sual Corp., at Southwest Luzon Power Generation Corp.
Binanggit ni Hontiveros na maliit lang ang penalties na ipinataw ng ERC.
Pero diin ni Hontiveros, ang kalahating sentimong itinaas sa presyo ng kuryente nitong mga nakaraang buwan ay napalaki kung pagsasama-samahin ang ibinayad ng milyon-milyong konsyumer.
Ipinunto pa ni Hontiveros na hindi lang halaga ang hinahabol natin dito kundi hustisya na maibalik ang dapat ay sa mga consumer.