IPINATIGIL | Pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA, ipinahinto

Makadadaan na muli ang mga provincial bus sa EDSA tuwing rush hour.

Ito ay matapos suspendihin ang provincial bus ban habang hindi pa nakakasunod sa mga rekisito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Interim Bus Terminal sa Valenzuela City.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, hindi pa handa ang Interim Terminal sa Valenzuela na kailangan pang i-clear ng LTFRB sa lahat ng rekisito kaugnay ng mga pangangailangan ng mga pasahero sa isang terminal.


Pero sa oras aniya na ma-clear ang terminal ay muling ipatutupad ang provincial bus ban.

Una nang sinimulang ipatupad noong Agosto ang ban kung saan ipinagbawal ang pagtawid ng mga provincial bus sa EDSA mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at mula alas-sais ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Layon ng patakaran na maibsan ang mabigat na daloy ng trapikong nararanasan sa EDSA.

Aminado naman si Garcia na magiging hamon sa kanila ang muling pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA lalo na at papalapit na ang panahon ng Pasko.

Sabi ni Garcia, kakausapin nila ang mga may-ari ng mga mall sa EDSA na gawing mas maaga ang oras ng kanilang pagbubukas at bawasan ang mga “mega sale” tuwing weekday.

Aabisuhan din umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na itigil muna ang pagkumpuni sa mga kalsada.

Facebook Comments