IPINATITINGIN | Manipulasyon ng presyo ng bigas sa Mindanao, ipinasisilip sa NFA

Ipinasisilip ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles sa National Food Authority ang manipulasyon sa presyo ng bigas sa Mindanao.

Ito ay kaugnay sa pagpalo ng presyo ng bigas sa Zamboanga City sa P55 hanggang P68 kada kilo.

Batay sa Philippine Statistics Authority, ang average ng retail price ng regular milled rice sa buong bansa ay nasa P42.26 habang ang well milled rice ay P45.71.


Naghihinala ang kongresista na may nagmamanipula ng rice traders sa Mindanao.

Sinabi pa ni Nograles na masyado pa ring mahal ang presyo ng bigas sa Mindanao kahit pa isa-alang-alang dito ang kondisyon ng panahon.

May impormasyon din na nakarating sa tanggapan ng mambabatas na sa Region 9, naglalaro sa P55 hanggang P60 kada kilo ng bigas sa Dipolog sa Zamboanga Del Norte at sa Pagadian at Ipil sa Zamboanga Del Sur habang sa Basilan naman ay nasa P60 hanggang P70 ang kada kilo ng bigas.

Umaasa ang kongresista na bababa din ang presyo ng bigas sa ilang lugar sa Mindanao sa oras na dumating ang 120,000 bags o 6 metric tons ng bigas na alokasyon ng NFA sa Region 9.

Facebook Comments