Mindanao – Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi pa nila mairerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin na ang Martial Law sa buong Mindanao.
Sa Mindanao Hour sa Malacañang ay sinabi ni Lorenzana na kailangan pang maghintay ng dalawang Linggo para makalikom ng sapat at tamang impormasyon para maging basehan kung dapat o hindi pa dapat na tanggalin ang batas militar.
Ayaw namang magbigay ng deadline ni Lorenzana kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Marawi City.
Paliwanag ni Lorenzana, tatlong beses na siyang nakuryente sa kabibigay ng deadline pero umaasa naman aniya siya na matatapos ang bakbakan bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 24 ng Hulyo.
Inamin din naman ni Lorenzana na hindi sanay sa Urban Operations ang mga sundalo dahil sanay ang mga ito sa bakbakan sa kagubatan.
Batay sa naman sa impormasyong hawak ni Lorenzana, umabot na sa 84 ang nasasawing sundalo sa bakbakan, 336 naman ang napatay sa panig ng mga terorista o katumbas ng isang batalyon.