Ipinatupad na Special Concern Lockdown sa ilang lugar sa QC, nakatulong upang matukoy at ma-ihiwalay ang mga COVID-19 case

Itinuturing ng Quezon City Local Government Unit na epektibo ang ipinatupad na Special Concern Lockdown (SCL) upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, tagapamuno ng Epidemiology and Surveillance Unit ng QC Health Department, nakatulong ang SCL sa pagtukoy at paghiwalay ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang mga lugar.

Simula noong Mayo hanggang June 5, 2020, nasa 4,013 na residente sa mga lugar na nasa SCL ang isinailalim sa rapid testing.


Mula sa naturang bilang, 240 ang nagpositibo sa IGg at IGM at babalik para sa confirmatory test.

Sa first batch ng confirmatory swab testing, 53 ang positive cases.

Tinanggal na ang ilang lugar sa ilalim ng SCL matapos makumpleto ang 14-day lockdown period na walang naitalang bagong kaso ng COVID-19.

Kabilang dito ang Dakila St., Kalayaan B, at Masbate St. sa Brgy. Batasan Hills; Vargas St., GK Ancop, at Certeza Compound sa Brgy. Culiat; Lower Gulod sa Brgy. Sauyo; Victory Ave, BMA Ave., Agno St., at ROTC Hunters sa Brgy. Tatalon; at Howmart Road sa Brgy. Baesa.

Ang nanatili na lamang sa SCL ay ang Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro, Calle 29 sa Brgy. Libis, at Kaingin Bukid sa Barangay Apolonio Samson.

Facebook Comments